*Dr. Rodolfo John Ortiz Teope, PhD, EdD, DM
May isang nakalulungkot ngunit nakakatawang realidad sa ating pulitika ngayon. May mga kandidato na tila hindi na interesado na manalo sa pamamagitan ng boto ng taumbayan. Ang kanilang tunay na laban ay hindi na sa balota kundi sa korte. Instead of convincing voters, they attempt to eliminate their opponents through legal maneuvers. Sa madaling salita, kung hindi kayang manalo sa halalan, maghanap na lamang ng paraan upang ma-disqualify ang kalaban. Para bang ang campaign strategy meeting nila ay hindi na tungkol sa platform of government kundi tungkol sa tanong na, “Attorney, anong kaso ang pwede nating ihain?”
Kamakailan lamang ay nakabasa ako ng isang artikulo sa Facebook tungkol sa isang kandidato na pinapadiskwalify dahil umano sa vote buying. Ang halalan ay nakatakda pa sa susunod na linggo ng Marso ngunit ang kaso ay naisampa na noong kalagitnaan pa lamang ng Pebrero. Nang mabasa ko ito, hindi ko maiwasang mapangiti na nais humalakhak. Hindi dahil nakakatawa ang usapin ng vote buying, kundi dahil sa kabalintunaan ng akusasyon. Para bang may kandidato na sobrang excited bumili ng boto na hindi na niya mahintay ang eleksyon. Kung may Olympic event para sa “early vote buying,” baka gold medalist na siya.
Sa aking karanasan bilang dating politiko at bilang isang matagal nang nagmamasid sa galaw ng halalan sa Pilipinas, ang vote buying ay halos hindi kailanman ginagawa sa mga unang linggo ng kampanya. Kung mayroon mang ganitong gawain, ito ay karaniwang nangyayari sa gabi bago ang eleksyon o sa mismong araw ng botohan. Ito ay hindi lamang personal na obserbasyon kundi isang bagay na matagal nang kinikilala sa mga pag-aaral tungkol sa electoral behavior sa ating bansa. Sa madaling salita, kung may kandidato man na bibili ng boto tatlong linggo bago ang halalan, baka kailangan na rin siyang bigyan ng award sa category na “Most Generous but Least Strategic Politician.” or "Most Stupid Vote-Buying Politician of the Year."
Ang lohika nito ay napakasimple. Ang boto ng isang tao ay maaaring magbago kung ito ay binayaran nang napakaaga. Kung bibili ka ng boto tatlo o apat na linggo bago ang halalan, napakalaki ng posibilidad na makalimutan ka lamang ng botante pagdating ng araw ng eleksyon. Baka nga pagdating ng election day ay sabihin pa ng botante, “Ay may nagbigay pala sa akin noon? Sino nga ulit iyon?” Kaya sa praktikal na pananaw ng isang political operator, ang pagbili ng boto nang napakaaga ay parang bumili ka ng sorbetes sa umaga at inaasahan mong hindi ito matutunaw hanggang gabi.
May isa pang aspeto sa konsepto ng vote buying na madalas hindi naiintindihan ng mga taong walang karanasan sa aktuwal na pulitika. Kung talagang gagawin ng isang kandidato ang vote buying, napakalaking halaga ng pera ang kakailanganin niya. Hindi pwedeng basta bumili ng boto ng kung sino-sino lamang. Hindi rin praktikal na bilhin ang boto ng mga taong hindi pa nagpapasya o ng mga taong tiyak na boboto sa kalaban. Sa realidad ng political operations, may isang hindi nakasulat na patakaran: kung bibili ka man ng boto, uunahin mong tiyakin ang boto ng sarili mong supporters. Sapagkat kung hindi mo sila aalagaan, maaaring sila pa ang lumipat sa kalaban. Sa madaling salita, kung susuriin ang ganitong aspeto, napakalaki ng gastusin at napakakomplikado ng operasyon ng vote buying. Hindi ito parang bumili ka lang ng kendi sa sari-sari store.
Dahil dito, napakabigat ng akusasyon ng vote buying at hindi ito madaling patunayan. Hindi sapat na may nakita lamang na perang ipinasa mula sa isang tao patungo sa isa pa. Maraming aspeto ang kailangang patunayan. Sa larangan ng election law, madali ring gumawa ng senaryo upang palabasing may vote buying na naganap. Kung tutuusin, kung may konting creativity ang isang tao, puwede siyang gumawa ng eksena na parang teleserye. May pera, may camera, may drama. Ang kulang na lang ay background music.
Mas lalo pang nakalulungkot na ang mismong abogado na naghain ng kaso ay tila ginagawang entablado ng propaganda ang social media. Ipinagmamalaki pa sa mga post na may naisampa na raw silang disqualification case laban sa kandidato. Para bang ang kaso ay hindi na legal pleading kundi parang bagong episode ng isang political reality show. Ang ganitong uri ng pag-aanunsyo ay hindi paghahanap ng hustisya. Ito ay tila isang paraan upang i-condition ang isip ng publiko na ang kandidatong ito ay disqualified na at hindi na dapat iboto.
Sa puntong iyon, ang hukuman ay hindi na ginagamit bilang instrumento ng hustisya kundi bilang bahagi ng political messaging. Ang korte ay dapat manatiling lugar ng tahimik na paghahanap ng katotohanan, hindi entablado ng propaganda. Kapag ang isang kaso ay ginagamit upang impluwensyahan ang pananaw ng publiko bago pa man ito maresolba, ang proseso ng hustisya ay nagiging bahagi ng political warfare. Para bang ang campaign slogan ay hindi na “Vote for me,” kundi “Wait for the court decision.”
Hindi ko sinasabing walang saysay ang mga batas laban sa vote buying. Mahalaga ang mga ito upang mapanatili ang integridad ng halalan. Ngunit kapag ang mga batas na ito ay ginagamit bilang sandata upang alisin ang kalaban sa laban bago pa man makapili ang taumbayan, ang diwa ng demokrasya ay unti-unting nasisira. Ang halalan ay hindi dapat maging law school moot court competition kung saan ang pinakamahusay na argumento ng abogado ang mananalo.
Sa aking mahabang pagmamasid sa pulitika ng Pilipinas, nakita ko na ang ganitong taktika ay matagal nang ginagamit ng ilang election lawyers. Ang kanilang mga kliyente ay binibigyan ng pag-asa na manalo hindi sa pamamagitan ng kampanya kundi sa pamamagitan ng disqualification ng kanilang mga kalaban. Ngunit ang ganitong uri ng tagumpay ay hindi tunay na tagumpay ng demokrasya. Ito ay tagumpay lamang ng teknikalidad.
Sa huli, kung talagang nais ng isang kandidato na magwagi, hindi ang vote buying o ang pag-file ng kaso ang tunay na landas. Ang magpapapanalo sa isang kandidato ay sipag, tiyaga, integridad, at malinaw na track record ng paglilingkod. Sapagkat ang kandidatong mananalo sa pamamagitan ng vote buying ay kadalasang may isang malinaw na layunin pagkatapos ng eleksyon: bawiin ang kanyang ginastos.
At saan niya ito babawiin? Hindi sa sarili niyang bulsa kundi sa kaban ng bayan.
Doon nagsisimula ang tunay na trahedya ng vote buying. Ang pera na ginamit upang bilhin ang boto ay nagiging utang na kailangang singilin mula sa pondo ng publiko. At kapag nangyari iyon, hindi lamang ang integridad ng halalan ang nasisira kundi pati ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
At dito ko gustong mag-iwan ng isang maliit na mensahe para doon sa kandidato na umaasang manalo sa pamamagitan ng pag-disqualify ng kanyang kalaban.
Kaibigan, kung ang plano mo para manalo ay alisin ang nangungunang kandidato sa pamamagitan ng kaso, baka kailangan mong magtanong ng isang simpleng bagay sa sarili mo. Kandidato ka ba… o assistant ng isang law firm?
Sapagat kung ang pinakamalakas mong campaign machinery ay ang petition ng abogado mo, baka hindi ka talaga handang tumakbo sa halalan. Baka ang tamang opisina para sa iyo ay hindi city hall o capitol, kundi law office reception.
At kung sakaling magtagumpay ka man sa ganoong paraan, tandaan mo ito. Ang panalo na nakuha sa pamamagitan ng pag-alis ng kalaban ay hindi tunay na panalo sa puso ng taumbayan. Para lamang itong basketball game na nanalo ka dahil pinaalis mo ang pinakamagaling na player ng kabilang team bago pa magsimula ang laro.
Technically panalo ka.
Pero alam ng lahat… hindi iyon tunay na laban.
Kaya sa susunod na eleksyon, baka mas mabuti na lang na mag-kampanya ka sa barangay plaza kaysa sa hallway ng korte. Mas mura pa ang pamasahe, mas maraming botante ang makakausap mo, at higit sa lahat, mas malaki ang tsansa mong manalo sa taumbayan kaysa sa footnote ng isang disqualification case.
At kung hindi pa rin gumana ang kampanya mo… huwag kang mag-alala.
May susunod pang eleksyon.
Pero sana naman, sa susunod, balota ang labanan… hindi kathang-isip kaso ng "Early Vote-Buying". 😄
_______________________________
