Dr. John’s Wishful Thinking is a blog where stories, struggles, and hopes for a better nation come alive. It blends personal reflections with social commentary, turning everyday experiences into insights on democracy, unity, and integrity. More than critique, it is a voice of hope—reminding readers that words can inspire change, truth can challenge power, and dreams can guide Filipinos toward a future of justice and nationhood.

Showing posts with label Joy Belmonte. Show all posts
Showing posts with label Joy Belmonte. Show all posts

Wednesday, September 16, 2026

YOU LIVED ANOTHER DAY, PERO KAILAN KA MAGIGISING?

 Buhay ang Iyong Katawan, Pero Gising Na Ba ang Iyong Konsensiya?

*Dr. Rodolfo John Ortiz Teope, PhD, EdD, DM


Kanina, kakagising mo lamang. Dumilat ka, huminga, at bumangon. Habang binabasa mo ito, marahil ay nagpapasalamat ka dahil you woke up alive and free, with another day to live. Sa mundong maraming natulog kagabi ngunit hindi na muling nagising, ang araw na ito ay isang biyayang hindi mo dapat maliitin.

You lived another day.

May isa ka na namang pagkakataong mangarap, magmahal, magpatawad, magsimulang muli, at itama ang mga pagkakamali ng kahapon. Nadagdagan ng isang araw ang iyong buhay. Ngunit habang tinitingnan mo ang kalagayan ng ating bayan, maaari mong itanong: May nadagdag din ba sa ating pag asa? May nabawas ba sa paghihirap ng mga Pilipino?

Buksan mo ang iyong cellphone. Tingnan mo ang social media at basahin ang mga balita.

 Ano ang makikita mo? Korapsyon. Kahirapan. Krimen. Eskandalo. Sisihan. Bangayan. Mga politikong nag aaway sa harap ng kamera habang ang ordinaryong Pilipino ay tahimik na nakikipaglaban upang maitawid ang pang araw araw na buhay.

Naalala mo pa ba noong karaniwan pang may diyaryo tuwing umaga? Ako, lagi akong nagbabasa noon. Sports muna, saka balita, pagkatapos ay mga column. May mga kontrobersiya at katiwalian din noong mga panahong iyon, ngunit tila hindi kasingtalamak, kasinglantad, at kasingbigat ng mga nababasa natin ngayon.

Ngayon, halos bawat paggising mo ay may panibagong iskandalo, bagong alegasyon ng korapsyon, at bagong mukha ng kasakiman. Nagbabago ang mga pangalan, pero hindi nagbabago ang kuwento. Nagpapalit ang mga nakaupo, ngunit nananatili ang lumang kalakaran.

Araw araw kang gumigising na mahirap pa rin ang bayan. May korapsyon pa rin. May mga opisyal pa ring nagnanakaw. Pinapalitan natin ang isang magnanakaw, ngunit kung minsan, magnanakaw din ang pumapalit. May mga taong ipinakikilalang malinis, matino, at makabayan, ngunit kapag nakatikim ng kapangyarihan, nilalamon din sila ng sistemang ipinangako nilang babaguhin.

Hindi ka ba napapagod?

Hindi ka ba nagsasawang marinig ang parehong mga pangako? Hindi ka ba nagtataka kung bakit napakarami nang programa, komisyon, task force, imbestigasyon, at reporma, ngunit tila pareho pa rin ang buhay ng ordinaryong Pilipino?

Baka ikaw mismo ay naghahanap ngayon ng trabaho o disenteng kabuhayan. Baka ilang buwan ka nang walang kita at hindi mo alam kung kailan darating ang susunod na pagkakataon. Baka iniisip mo kung saan kukuha ng sandaang piso para sa pagkain, gamot, pamasahe, o matrikula ng iyong anak. Baka hindi mo naman hinihingi ang buong mundo. Gusto mo lamang ng marangal na pagkakakitaan, maliit na tahanan, tahimik na buhay, at pagkakataong makapagsimulang muli.

Habang ikaw ay namomroblema sa isang libong piso, may mga taong pinag uusapan ang milyon na para bang barya lamang iyon. Habang naghahanap ka ng maliit na silid na masisilungan, may mga taong hindi pa rin makontento kahit mayroon nang mansiyon, negosyo, kapangyarihan, at bahay sa Forbes Park.

Ikaw ay naghahanap ng makakain. Ang sakim ay naghahanap pa ng mananakaw.

Kung ikaw naman ay isang politiko o opisyal ng pamahalaan na nagbabasa nito. Marahil ay hindi ka corrupt. Marahil ay isa ka sa mga tahimik na naglilingkod nang tapat at nagsisikap na baguhin ang sistema mula sa loob. Kung ganoon, huwag kang mapagod. Kailangan ka ng bayan. Ngunit huwag ka ring manahimik kapag nakikita mong ninanakawan ang taumbayan. Sapagkat kapag nanahimik ang mabuti, lalong lumalakas ang loob ng masama.

Ngunit kung ginagamit mo ang iyong posisyon upang magpayaman, tumingin ka muna sa paligid mo.

Habang binibilang mo ang iyong komisyon, may amang umuuwi nang walang dalang pagkain. Habang itinatago mo ang pera ng bayan, may batang pumapasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan. Habang nagpapagawa ka ng isa pang mansiyon, may pamilyang natutulog sa ilalim ng tulay. Habang nagpapakasaya ka sa iyong kayamanan, may pasyenteng unti unting namamatay dahil walang gamot ang pampublikong ospital.

Baka sa iyo, numero lamang ang sandaang milyon o isang bilyon. Ngunit ang bawat pisong kinukuha mo ay maaaring pagkain, gamot, silid aralan, trabaho, tahanan, o buhay na ipinagkakait mo sa kapwa Pilipino.

At ikaw, oo, ikaw na nagnanakaw sa bayan at nais nang tumigil sa pagbabasa dahil tinatamaan ka. Bago mo isara ito, sagutin mo muna ang isang tanong.

Kaya mo bang sikmurain na ang pagkaing inihahain mo sa iyong pamilya ay maaaring galing sa luha, gutom, paghihirap, at maging kamatayan ng ibang tao?

Kaya mo bang yakapin ang iyong mga anak habang alam mong ang kinabukasan nila ay itinatayo mo gamit ang perang ninakaw mo sa kinabukasan ng mga anak ng iba?

Baka sabihin mong ginagawa mo lamang ito para sa iyong pamilya. Ngunit anong uri ng pagmamahal ang itinatayo sa pagdurusa ng ibang pamilya? Anong dangal ang maipamamana mo sa iyong mga anak kung ang bahay na kanilang tinitirhan, pagkaing kanilang kinakain, at edukasyong kanilang tinatamasa ay nagmula sa gamot na hindi nabili, kalsadang hindi naayos, silid aralang hindi naitayo, at buhay na hindi nailigtas?

Ang perang ninakaw sa bayan ay hindi nagiging malinis dahil lamang naipambili mo ito ng pagkain. Bawat subo ay may kasamang luha ng isang pamilyang pinagkaitan. Bawat luho ay may katumbas na pangangailangan ng isang mamamayang pinabayaan. Bawat kayamanang itinayo mula sa korapsyon ay isang monumento sa mga pangarap na iyong winasak.

Bago mo sabihing ginagawa mo ito para sa iyong pamilya, tanungin mo muna ang iyong sarili.

Kaya mo bang ipagmalaki sa iyong mga anak kung saan talaga nanggaling ang perang ipinapakain mo sa kanila?

Huwag mong sabihing ginagawa rin naman ito ng iba. Huwag mong gawing dahilan ang bulok na sistema upang maging bulok ka rin. Hindi ka iniluklok sa puwesto upang gayahin ang mga nauna sa iyo. Binigyan ka ng kapangyarihan upang itama ang kanilang mga pagkakamali.

Tandaan mo. Hindi sa iyo ang opisina. Hindi sa iyo ang pondo. Hindi sa iyo ang pamahalaan. Hiniram mo lamang ang kapangyarihan mula sa mamamayan. Darating ang araw na kailangan mo itong isauli. Ngunit kapag dumating ang araw na iyon, anong pangalan ang maiiwan mo? Pangalan ng isang lingkod, o pangalan ng isang magnanakaw?

At ikaw namang mamamayan, may pananagutan ka rin.

Madaling magalit, mag post, magkomento, magmura, at manisi. Ngunit pagkatapos mong ibaba ang iyong cellphone, ano ang ginagawa mo? Kapag ang politikong gusto mo ang nasasangkot sa katiwalian, ipinagtatanggol mo ba siya? Kapag ang katotohanan ay hindi pabor sa iyong panig, tinatanggap mo ba ito o tinatawag mo agad na fake news? Kapag binigyan ka ng pera kapalit ng iyong boto, iniisip mo bang ayos lamang iyon dahil pera rin naman ng bayan?

Kapag may bagong personalidad na sumikat, iniidolo mo ba agad bago mo suriin ang kanyang pagkatao, kakayahan, rekord, at pinagmumulan ng yaman?

Dito nagsisimula ang tunay na pagbabago. Hindi lamang sa Malacañang, Senado, Kongreso, munisipyo, o barangay. Nagsisimula rin ito sa iyo.

Magsisimula ang pagbabago kapag tumanggi kang ipagbili ang iyong boto. Kapag hindi mo ipinagpalit ang iyong prinsipyo sa ayuda, pabor, posisyon, o pangakong hindi naman tiyak na matutupad. Kapag handa mong singilin maging ang lider na iyong sinuportahan. Sapagkat ang iyong katapatan ay dapat nakalaan sa bayan, hindi sa kulay, pamilya, partido, o personalidad.

Hindi mo kailangang hintayin ang susunod na halalan. Maaari kang magsimula ngayon. Magtanong ka. Magsiyasat ka. Magsalita ka. Makilahok ka. Tumanggi kang magpagamit. Ipagtanggol mo ang katotohanan kahit hindi ito pabor sa iyong panig. Huwag mong hayaang ang galit mo ay matapos lamang sa isang post na malilimutan din kinabukasan.

At sa mga politiko at opisyal ng pamahalaan, hindi pa huli ang lahat. Maaari pa kayong pumili. Maaari kayong tumangging pumirma sa maanomalyang transaksiyon. Maaari ninyong ilantad ang katiwalian. Maaari ninyong unahin ang serbisyo bago ang sarili. Maaari pa ninyong patunayang ang kapangyarihan ay hindi lisensiya upang magnakaw, kundi pagkakataong maglingkod at gumawa ng kabutihan.

Kanina, lahat tayo ay nagising na buhay at malaya. Ang mamamayan, ang politiko, ang kawani ng pamahalaan, ang mayaman, at ang mahirap. Pareho tayong binigyan ng panibagong araw. Ngunit hindi sapat na gising lamang ang ating katawan habang natutulog ang ating konsensiya.

Hindi sapat na humihinga tayo kung wala na tayong pakialam sa naghihingalo nating bayan. Hindi sapat na nadaragdagan ang mga araw ng ating buhay kung hinahayaan naman nating mabawasan ang kinabukasan ng ating mga anak.

Kung patuloy na matutulog ang mamamayan habang gising ang mga magnanakaw, bukas ay gigising na naman tayo sa parehong kahirapan, parehong katiwalian, at parehong sirang sistema.

You lived another day.

Ngunit ang panibagong araw ay hindi lamang pagkakataong mabuhay. Isa rin itong pagkakataong pumili. Mananahimik ka ba o magsasalita? Magpapagamit ka ba o maninindigan? Magnanakaw ka ba o maglilingkod? Magpapaloko ka pa ba, o sisimulan mo nang hanapin at ipagtanggol ang katotohanan?

Buhay ka. Humihinga ka. Gising ang iyong katawan.

Pero kailan magigising ang iyong konsensiya?

You lived another day, pero kailan ka magigising?

_________________________________________________________

Dear Reader,

I invite you to explore my complete collection of published books now available on Amazon. Whether you are seeking in-depth analysis, strategic insights, or engaging narratives, my catalog covers a range of essential topics designed to inform, inspire, and provoke thoughtful discussion.

You can browse all my current titles, read excerpts, and order your copies directly through my official Amazon Author Page: 

Click this Image to View:








Thank you for your continued support and interest in my work. If you enjoy any of the titles, leaving a review on Amazon would be greatly appreciated as it helps bring these ideas to a broader audience.

Warm regards,

Dr. Rodolfo John Ortiz Teope

___________________________________________________________________________________________________

*About the author:

Dr. Rodolfo “John” Ortiz Teope is a distinguished Filipino academic, public intellectual, and advocate for civic education and public safety, whose work spans local academies and international security circles. With a career rooted in teaching, research, policy, and public engagement, he bridges theory and practice by making meaningful contributions to academic discourse, civic education, and public policy. Dr. Teope is widely respected for his critical scholarship in education, management, economics, doctrine development, and public safety; his grassroots involvement in government and non-government organizations; his influential media presence promoting democratic values and civic consciousness; and his ethical leadership grounded in Filipino nationalism and public service. As a true public intellectual, he exemplifies how research, advocacy, governance, and education can work together in pursuit of the nation’s moral and civic mission.



Wednesday, August 5, 2026

Impeachment Is Not a Criminal Trial—And Perhaps That’s What Many of Us Have Been Missing

“The Constitution does not create impeachment to punish crime. It creates impeachment to preserve public trust.”

 *Dr. Rodolfo John Ortiz Teope, PhD, EdD, DM


Every time impeachment dominates the headlines, I cannot help but smile whenever I hear conversations in coffee shops, restaurants, offices, and even on social media. Biglang dumarami ang mga constitutional experts. Lahat ay may opinyon. Lahat ay may interpretation. At halos pare-pareho ang kanilang naririnig at sinasabi.


“Hindi puwedeng tanggapin ’yan. Sa criminal case, bawal ang ganyang ebidensya.”

“Kailangan beyond reasonable doubt.”

“Dapat sundin ang Rules of Court dahil trial naman iyan.”


There is nothing wrong with those discussions. In fact, natutuwa ako kapag nakikita kong mas nagiging interesado ang mga Pilipino sa usapin ng Konstitusyon. A democracy becomes healthier when its citizens care about constitutional issues.


But every time I hear those conversations, one quiet question always comes to my mind.


Are we trying to understand impeachment… or are we trying to force impeachment to become something it was never designed to be?

Perhaps that is where the misunderstanding begins.

Minsan kasi, hindi tayo nagkakamali dahil kulang ang ating kaalaman. Nagkakamali tayo dahil mali ang lente na ginagamit natin sa pagtingin sa isang bagay.

Kapag mali ang tanong, madalas mali rin ang hinahanap nating sagot.

Kapag mali ang panukat, kahit tama ang sinusukat mo, mali pa rin ang magiging resulta.

Perhaps this is exactly what happens every time impeachment becomes the center of national discussion.


Bago pa man magsimula ang paglilitis, ang usapan ay umiikot na agad sa hearsay evidence, burden of proof, objections, witness credibility, Rules of Court, at iba’t ibang technical doctrines ng criminal law. Para bang awtomatiko nating ipinapalagay na ang impeachment ay isa lamang ordinaryong criminal trial.


But before discussing the rules, perhaps we should first understand the nature of the process itself.

Ano ba talaga ang impeachment?

From a constitutional perspective, impeachment serves a different purpose from criminal prosecution.

Sa isang criminal court, ang pangunahing tanong ay malinaw.

“Did this person commit a crime punishable under our laws?”

Kapag oo ang sagot, maaaring mawalan siya ng kalayaan, makulong, o mapatawan ng iba pang criminal penalties.

Ngunit ang impeachment ay nagsisimula sa ibang tanong.

“Should this public official continue occupying one of the highest public offices entrusted by the Filipino people?”

Mapapansin ninyo, magkaiba ang tanong.

At kapag magkaiba ang tanong, hindi rin dapat ipilit na pareho ang buong layunin ng proseso.

The Constitution created impeachment as a mechanism of constitutional accountability. It exists to protect public institutions and preserve the people’s trust in government. Unlike criminal prosecution, its primary concern is not criminal punishment but accountability in public office.

Isipin natin ang isang malaking kumpanya.


Kapag nawalan ng kumpiyansa ang Board of Directors sa kanilang Chief Executive Officer, kailangan pa ba nilang hintayin munang mapatunayang kriminal ang CEO bago siya mapalitan?


Hindi.

Hindi dahil gusto nila siyang parusahan.

Kundi dahil ang tanong ay hindi kung siya ba ay kriminal.

Ang tanong ay kung siya pa ba ang tamang taong mamuno sa organisasyon.

May isa pa akong simpleng halimbawa.

Kapag ang isang doktor ay tinanggalan ng lisensya, hindi ibig sabihin noon ay nakulong na siya.

Kapag ang isang pari ay inalis sa kanyang ministeryo, hindi rin ibig sabihin noon ay napatunayang kriminal siya.

Sa dalawang sitwasyong iyon, ang pangunahing tanong ay hindi kung may nagawang krimen.

Ang tanong ay kung karapat-dapat pa ba silang ipagpatuloy ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila.

Ganoon din ang konseptong sinusubukang ipaliwanag ng impeachment.


Government is certainly different from private organizations and professional regulation. Ngunit ang mga halimbawang ito ay tumutulong upang maunawaan ng ordinaryong mamamayan ang pagkakaiba ng constitutional accountability at criminal liability.


Marami ang nalilito dahil ang impeachment ay mukhang isang courtroom proceeding.

May prosecutors.

May defense lawyers.

May witnesses.

May documentary evidence.

May cross-examination.

May objections.

Sa unang tingin, halos pareho nga ito ng isang judicial trial.

But appearances do not always determine constitutional character.

Parehong may referee ang basketball at volleyball.

Parehong may players.

Parehong may audience.

Parehong may scoreboard.

Pero walang magsasabing iisang laro lamang ang dalawa.

Magkahawig ang ilang bahagi ng proseso, ngunit magkaiba ang layunin.

Ganito rin ang impeachment.


Isa itong natatanging constitutional proceeding na maaaring gumamit ng judicial procedures upang matiyak ang fairness, ngunit hindi nawawala ang sarili nitong constitutional purpose.


Isa rin sa mga salitang madalas pagmulan ng kalituhan ay ang salitang “conviction.”

Ginagamit ito mismo ng ating Konstitusyon.

Kaya marami ang agad nagsasabing, “Kung may conviction, criminal case na iyan.”


The constitutional text indeed uses the word “conviction.” However, within the impeachment process, that term has a different constitutional consequence from a criminal conviction.

An impeachment conviction results in removal from office and, where applicable, disqualification from holding future public office.

Hindi ito, sa sarili lamang nito, nagpapataw ng pagkakakulong o criminal punishment.

At malinaw ding kinikilala ng Konstitusyon na kung may posibleng criminal liability, maaari pa ring magkaroon ng hiwalay na kaso sa regular na hukuman.

That distinction reminds us that impeachment and criminal prosecution may arise from the same facts while serving different constitutional functions.


Hindi ibig sabihin nito na hindi mahalaga ang due process.

Sa kabaligtaran.

Due process is indispensable.

Ang respondent ay dapat malaman ang mga paratang laban sa kanya.

Dapat siyang magkaroon ng pagkakataong sumagot.

Dapat siyang makapagprisinta ng ebidensya.

At dapat maging patas ang buong proseso.

These constitutional guarantees should always be respected.


At the same time, many constitutional scholars recognize that the Senate, sitting as an impeachment court, may adopt procedures that promote fairness while carrying out the distinct constitutional role assigned to it. Exactly how judicial rules should apply in impeachment remains a subject of constitutional debate, which is part of a healthy democracy.


Isa pang salitang madalas ma-misunderstood ay ang “political process.”

Kapag narinig natin ang salitang political, iniisip agad ng marami na wala nang batas at puro pulitika na lamang.


Pero hindi iyon ang ibig sabihin.

Political does not mean lawless.

Political does not mean arbitrary.


Political simply means that the Constitution entrusted this responsibility to the Senate rather than to the regular judiciary.

Ang Senado ay hindi gumaganap bilang ordinaryong trial court. Gumaganap ito ng isang natatanging constitutional function na ipinagkatiwala mismo ng Konstitusyon.

At sa huli, maaaring magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ang mga constitutional scholars, mga abogado, at maging ang mga hukuman sa ilang aspeto ng impeachment.


Normal iyon.

Healthy constitutional debate is one of the strengths of a democratic society.

Ngunit may isang prinsipyo na nananatiling hindi nagbabago.

Public office is a public trust.

Napakaikli ng pangungusap na iyon.

Pero marahil iyon ang isa sa pinakamahalagang prinsipyo sa buong Konstitusyon.

Lahat ng kapangyarihang hawak ng isang opisyal ay ipinagkatiwala lamang ng sambayanan.

Hindi iyon permanenteng pag-aari.

Hindi rin iyon personal na karapatan.


Kapag may seryosong tanong kung nananatili pa ba siyang karapat-dapat sa tiwalang iyon, nagbibigay ang Konstitusyon ng isang mekanismo upang harapin ang tanong na iyon.

That mechanism is impeachment.

Perhaps the greatest misunderstanding about impeachment is that we begin by asking the wrong question.


Ang una nating itinatanong ay,

“May nagawa ba siyang krimen?”

Yet the Constitution first invites us to consider another question.

“Nananatili pa ba siyang karapat-dapat sa tiwalang ipinagkaloob ng sambayanan?”

Those are not always the same question.

They do not always require the same process.

And they do not always lead to the same answer.

Perhaps democracy is not measured simply by how often we hold elections.

Perhaps it is measured by how faithfully we preserve accountability after those elections are over.

A public mandate gives a leader the authority to govern.

Public trust gives that leader the legitimacy to continue governing.


The first is granted at the ballot box.

The second must be earned every single day through faithful service, integrity, and accountability.

And when that trust is seriously questioned, the Constitution provides a process—not to replace the criminal courts, but to protect the integrity of public office.

Because in the end, a criminal court asks whether a person violated the law.

An impeachment proceeding asks whether a public official remains worthy of the people’s trust.


One protects criminal justice.

The other protects constitutional accountability.


And perhaps that is the greatest lesson impeachment teaches us:

Public mandate may place a leader into office, but only public trust gives that leader the moral and constitutional legitimacy to remain in office.

_____________________________________________________________

Dear Reader,

I invite you to explore my complete collection of published books now available on Amazon. Whether you are seeking in-depth analysis, strategic insights, or engaging narratives, my catalog covers a range of essential topics designed to inform, inspire, and provoke thoughtful discussion.

You can browse all my current titles, read excerpts, and order your copies directly through my official Amazon Author Page: 

Click this Image to View:









Thank you for your continued support and interest in my work. If you enjoy any of the titles, leaving a review on Amazon would be greatly appreciated as it helps bring these ideas to a broader audience.

Warm regards,

Dr. Rodolfo John Ortiz Teope

___________________________________________________________________________________________________

*About the author:

Dr. Rodolfo “John” Ortiz Teope is a distinguished Filipino academic, public intellectual, and advocate for civic education and public safety, whose work spans local academies and international security circles. With a career rooted in teaching, research, policy, and public engagement, he bridges theory and practice by making meaningful contributions to academic discourse, civic education, and public policy. Dr. Teope is widely respected for his critical scholarship in education, management, economics, doctrine development, and public safety; his grassroots involvement in government and non-government organizations; his influential media presence promoting democratic values and civic consciousness; and his ethical leadership grounded in Filipino nationalism and public service. As a true public intellectual, he exemplifies how research, advocacy, governance, and education can work together in pursuit of the nation’s moral and civic mission.


Dr. Rodolfo John Ortiz Teope

Dr. Rodolfo John Ortiz Teope

Search This Blog