Buhay ang Iyong Katawan, Pero Gising Na Ba ang Iyong Konsensiya?
*Dr. Rodolfo John Ortiz Teope, PhD, EdD, DM
Kanina, kakagising mo lamang. Dumilat ka, huminga, at bumangon. Habang binabasa mo ito, marahil ay nagpapasalamat ka dahil you woke up alive and free, with another day to live. Sa mundong maraming natulog kagabi ngunit hindi na muling nagising, ang araw na ito ay isang biyayang hindi mo dapat maliitin.
You lived another day.
May isa ka na namang pagkakataong mangarap, magmahal, magpatawad, magsimulang muli, at itama ang mga pagkakamali ng kahapon. Nadagdagan ng isang araw ang iyong buhay. Ngunit habang tinitingnan mo ang kalagayan ng ating bayan, maaari mong itanong: May nadagdag din ba sa ating pag asa? May nabawas ba sa paghihirap ng mga Pilipino?
Buksan mo ang iyong cellphone. Tingnan mo ang social media at basahin ang mga balita.Ano ang makikita mo? Korapsyon. Kahirapan. Krimen. Eskandalo. Sisihan. Bangayan. Mga politikong nag aaway sa harap ng kamera habang ang ordinaryong Pilipino ay tahimik na nakikipaglaban upang maitawid ang pang araw araw na buhay.
Naalala mo pa ba noong karaniwan pang may diyaryo tuwing umaga? Ako, lagi akong nagbabasa noon. Sports muna, saka balita, pagkatapos ay mga column. May mga kontrobersiya at katiwalian din noong mga panahong iyon, ngunit tila hindi kasingtalamak, kasinglantad, at kasingbigat ng mga nababasa natin ngayon.
Ngayon, halos bawat paggising mo ay may panibagong iskandalo, bagong alegasyon ng korapsyon, at bagong mukha ng kasakiman. Nagbabago ang mga pangalan, pero hindi nagbabago ang kuwento. Nagpapalit ang mga nakaupo, ngunit nananatili ang lumang kalakaran.
Araw araw kang gumigising na mahirap pa rin ang bayan. May korapsyon pa rin. May mga opisyal pa ring nagnanakaw. Pinapalitan natin ang isang magnanakaw, ngunit kung minsan, magnanakaw din ang pumapalit. May mga taong ipinakikilalang malinis, matino, at makabayan, ngunit kapag nakatikim ng kapangyarihan, nilalamon din sila ng sistemang ipinangako nilang babaguhin.
Hindi ka ba napapagod?
Hindi ka ba nagsasawang marinig ang parehong mga pangako? Hindi ka ba nagtataka kung bakit napakarami nang programa, komisyon, task force, imbestigasyon, at reporma, ngunit tila pareho pa rin ang buhay ng ordinaryong Pilipino?
Baka ikaw mismo ay naghahanap ngayon ng trabaho o disenteng kabuhayan. Baka ilang buwan ka nang walang kita at hindi mo alam kung kailan darating ang susunod na pagkakataon. Baka iniisip mo kung saan kukuha ng sandaang piso para sa pagkain, gamot, pamasahe, o matrikula ng iyong anak. Baka hindi mo naman hinihingi ang buong mundo. Gusto mo lamang ng marangal na pagkakakitaan, maliit na tahanan, tahimik na buhay, at pagkakataong makapagsimulang muli.
Habang ikaw ay namomroblema sa isang libong piso, may mga taong pinag uusapan ang milyon na para bang barya lamang iyon. Habang naghahanap ka ng maliit na silid na masisilungan, may mga taong hindi pa rin makontento kahit mayroon nang mansiyon, negosyo, kapangyarihan, at bahay sa Forbes Park.
Ikaw ay naghahanap ng makakain. Ang sakim ay naghahanap pa ng mananakaw.
Kung ikaw naman ay isang politiko o opisyal ng pamahalaan na nagbabasa nito. Marahil ay hindi ka corrupt. Marahil ay isa ka sa mga tahimik na naglilingkod nang tapat at nagsisikap na baguhin ang sistema mula sa loob. Kung ganoon, huwag kang mapagod. Kailangan ka ng bayan. Ngunit huwag ka ring manahimik kapag nakikita mong ninanakawan ang taumbayan. Sapagkat kapag nanahimik ang mabuti, lalong lumalakas ang loob ng masama.
Ngunit kung ginagamit mo ang iyong posisyon upang magpayaman, tumingin ka muna sa paligid mo.
Habang binibilang mo ang iyong komisyon, may amang umuuwi nang walang dalang pagkain. Habang itinatago mo ang pera ng bayan, may batang pumapasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan. Habang nagpapagawa ka ng isa pang mansiyon, may pamilyang natutulog sa ilalim ng tulay. Habang nagpapakasaya ka sa iyong kayamanan, may pasyenteng unti unting namamatay dahil walang gamot ang pampublikong ospital.
Baka sa iyo, numero lamang ang sandaang milyon o isang bilyon. Ngunit ang bawat pisong kinukuha mo ay maaaring pagkain, gamot, silid aralan, trabaho, tahanan, o buhay na ipinagkakait mo sa kapwa Pilipino.
At ikaw, oo, ikaw na nagnanakaw sa bayan at nais nang tumigil sa pagbabasa dahil tinatamaan ka. Bago mo isara ito, sagutin mo muna ang isang tanong.
Kaya mo bang sikmurain na ang pagkaing inihahain mo sa iyong pamilya ay maaaring galing sa luha, gutom, paghihirap, at maging kamatayan ng ibang tao?
Kaya mo bang yakapin ang iyong mga anak habang alam mong ang kinabukasan nila ay itinatayo mo gamit ang perang ninakaw mo sa kinabukasan ng mga anak ng iba?
Baka sabihin mong ginagawa mo lamang ito para sa iyong pamilya. Ngunit anong uri ng pagmamahal ang itinatayo sa pagdurusa ng ibang pamilya? Anong dangal ang maipamamana mo sa iyong mga anak kung ang bahay na kanilang tinitirhan, pagkaing kanilang kinakain, at edukasyong kanilang tinatamasa ay nagmula sa gamot na hindi nabili, kalsadang hindi naayos, silid aralang hindi naitayo, at buhay na hindi nailigtas?
Ang perang ninakaw sa bayan ay hindi nagiging malinis dahil lamang naipambili mo ito ng pagkain. Bawat subo ay may kasamang luha ng isang pamilyang pinagkaitan. Bawat luho ay may katumbas na pangangailangan ng isang mamamayang pinabayaan. Bawat kayamanang itinayo mula sa korapsyon ay isang monumento sa mga pangarap na iyong winasak.
Bago mo sabihing ginagawa mo ito para sa iyong pamilya, tanungin mo muna ang iyong sarili.
Kaya mo bang ipagmalaki sa iyong mga anak kung saan talaga nanggaling ang perang ipinapakain mo sa kanila?
Huwag mong sabihing ginagawa rin naman ito ng iba. Huwag mong gawing dahilan ang bulok na sistema upang maging bulok ka rin. Hindi ka iniluklok sa puwesto upang gayahin ang mga nauna sa iyo. Binigyan ka ng kapangyarihan upang itama ang kanilang mga pagkakamali.
Tandaan mo. Hindi sa iyo ang opisina. Hindi sa iyo ang pondo. Hindi sa iyo ang pamahalaan. Hiniram mo lamang ang kapangyarihan mula sa mamamayan. Darating ang araw na kailangan mo itong isauli. Ngunit kapag dumating ang araw na iyon, anong pangalan ang maiiwan mo? Pangalan ng isang lingkod, o pangalan ng isang magnanakaw?
At ikaw namang mamamayan, may pananagutan ka rin.
Madaling magalit, mag post, magkomento, magmura, at manisi. Ngunit pagkatapos mong ibaba ang iyong cellphone, ano ang ginagawa mo? Kapag ang politikong gusto mo ang nasasangkot sa katiwalian, ipinagtatanggol mo ba siya? Kapag ang katotohanan ay hindi pabor sa iyong panig, tinatanggap mo ba ito o tinatawag mo agad na fake news? Kapag binigyan ka ng pera kapalit ng iyong boto, iniisip mo bang ayos lamang iyon dahil pera rin naman ng bayan?
Kapag may bagong personalidad na sumikat, iniidolo mo ba agad bago mo suriin ang kanyang pagkatao, kakayahan, rekord, at pinagmumulan ng yaman?
Dito nagsisimula ang tunay na pagbabago. Hindi lamang sa Malacañang, Senado, Kongreso, munisipyo, o barangay. Nagsisimula rin ito sa iyo.
Magsisimula ang pagbabago kapag tumanggi kang ipagbili ang iyong boto. Kapag hindi mo ipinagpalit ang iyong prinsipyo sa ayuda, pabor, posisyon, o pangakong hindi naman tiyak na matutupad. Kapag handa mong singilin maging ang lider na iyong sinuportahan. Sapagkat ang iyong katapatan ay dapat nakalaan sa bayan, hindi sa kulay, pamilya, partido, o personalidad.
Hindi mo kailangang hintayin ang susunod na halalan. Maaari kang magsimula ngayon. Magtanong ka. Magsiyasat ka. Magsalita ka. Makilahok ka. Tumanggi kang magpagamit. Ipagtanggol mo ang katotohanan kahit hindi ito pabor sa iyong panig. Huwag mong hayaang ang galit mo ay matapos lamang sa isang post na malilimutan din kinabukasan.
At sa mga politiko at opisyal ng pamahalaan, hindi pa huli ang lahat. Maaari pa kayong pumili. Maaari kayong tumangging pumirma sa maanomalyang transaksiyon. Maaari ninyong ilantad ang katiwalian. Maaari ninyong unahin ang serbisyo bago ang sarili. Maaari pa ninyong patunayang ang kapangyarihan ay hindi lisensiya upang magnakaw, kundi pagkakataong maglingkod at gumawa ng kabutihan.
Kanina, lahat tayo ay nagising na buhay at malaya. Ang mamamayan, ang politiko, ang kawani ng pamahalaan, ang mayaman, at ang mahirap. Pareho tayong binigyan ng panibagong araw. Ngunit hindi sapat na gising lamang ang ating katawan habang natutulog ang ating konsensiya.
Hindi sapat na humihinga tayo kung wala na tayong pakialam sa naghihingalo nating bayan. Hindi sapat na nadaragdagan ang mga araw ng ating buhay kung hinahayaan naman nating mabawasan ang kinabukasan ng ating mga anak.
Kung patuloy na matutulog ang mamamayan habang gising ang mga magnanakaw, bukas ay gigising na naman tayo sa parehong kahirapan, parehong katiwalian, at parehong sirang sistema.
You lived another day.
Ngunit ang panibagong araw ay hindi lamang pagkakataong mabuhay. Isa rin itong pagkakataong pumili. Mananahimik ka ba o magsasalita? Magpapagamit ka ba o maninindigan? Magnanakaw ka ba o maglilingkod? Magpapaloko ka pa ba, o sisimulan mo nang hanapin at ipagtanggol ang katotohanan?
Buhay ka. Humihinga ka. Gising ang iyong katawan.
Pero kailan magigising ang iyong konsensiya?
You lived another day, pero kailan ka magigising?
Dear Reader,
I invite you to explore my complete collection of published books now available on Amazon. Whether you are seeking in-depth analysis, strategic insights, or engaging narratives, my catalog covers a range of essential topics designed to inform, inspire, and provoke thoughtful discussion.
You can browse all my current titles, read excerpts, and order your copies directly through my official Amazon Author Page:
Click this Image to View:
Warm regards,
*About the author:



























