Habang papalapit ang Nobyembre 30, tila may bigat na bumabalot sa hangin—hindi takot, hindi din naman kasiyahan, kundi isang tahimik na paghinto. Parang humihinga nang malalim ang buong bansa, na tila handang humarap hindi lamang sa katiwalian, kundi sa sariling konsensya. Ang Trillion March Against Corruption ay hindi basta pagtitipon; ito ay bunga ng kirot na pinasan nang napakatagal ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa baha, ng mga komunidad na ninakawan ng kaligtasan, at ng sambayanang sawa na sa tanong kung kailan nga ba muling magigising ang tunay na diwa ng mabuting pamamahala.
Hindi pera lang ang ninakaw sa flood-control scandal. Ang ninakaw ay dangal. Ang ninakaw ay tiwala. Ang ninakaw ay buhay. Bawat sirang tulay, bawat gumuhong dike, bawat pamilyang nagluluksa ay paalala na kapag ang katiwalian ay nagiging bahagi na ng sistema, ang mga trahedya ay hindi na aksidente kundi inaasahang kabayaran. Kaya mabigat ang darating na martsa—hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil ito’y paghaharap sa ating kolektibong sugat.
Ngunit sa likod ng taos-pusong damdamin ng taumbayan, may mga aninong gumagalaw. May mga grupong naghihintay ng tamang sandali para baluktutin ang tinig ng bayan. May naghahanda ng manggugulo, may bumubulong ng kaguluhan, may nag-aabang na sumiklab ang alitan upang sabihing hindi na kayang pamunuan ng gobyerno ang bansa. Hindi sila nagmamartsa para sa katotohanan. Nagmamartsa sila para sa sariling interes. Para sa kanila, ang gulo ay hindi panganib—ito ay oportunidad.
Kapag ganitong umiinit ang sitwasyon, lumilitaw ang tukso ng mga “shortcut.” May mga nagsisimulang magsalita tungkol sa caretaker government, transition council, mga teknokratang ipapasok upang “patatagin” ang bansa. Isa sa mga pangalan na paulit-ulit na binabanggit ay si Ramon S. Ang—isang taong kagalang-galang, disiplinado, at mahusay mangasiwa ng malalaking korporasyon. Marami ang naniniwala, kasama na ako, na kaya niyang ihatid ang bansa sa mas matatag na ekonomiya at kaayusan.
At kailangan kong maging malinaw: Wala pong masama kung makita natin si Ramon Ang bilang posibleng lider ng bansa sa hinaharap. Noong 2022, aminado ako—umaasa akong tumakbo siya. Sa kaniyang talino, pananaw, at kakayahang humawak ng malalaking institusyon na may katahimikan at tapang, nakita ko ang potensyal niya para pamunuan ang Pilipinas tungo sa pagiging isang tiger economy. Maraming humahanga sa kanya. Maraming nagtitiwala. At kasama ako roon.
Pero iba ang paghanga sa paglabag sa Konstitusyon.
Ang Pilipinas ay hindi bansa ng shortcut. Bansa tayo ng batas. Kung talagang nais ng sambayanan na pamunuan tayo ni Ramon Ang o sinumang iba pa, ang tamang panahon ay 2028—hindi ngayon, hindi bukas, at hindi sa gitna ng kaguluhan. Sa halalan iyon magpapasya ang lahat ng Pilipino, hindi lamang ang iilang nasa Maynila, hindi lamang ang nasa mga boardroom, hindi ang mga negosyador sa likod ng pinto. Ang liderato ay dapat manggaling sa tao, hindi idinidikta ng iilan.
Kung ipapasok si Ramon Ang sa kapangyarihan sa paraang labag sa Konstitusyon, hindi lamang matatapakan ang ating demokrasya—masisira ang pangalan ng taong matagal niyang pinangalagaan. Sa sandaling siya ay maluklok sa isang posisyong hindi dumaan sa proseso, magkakagulo ang pulitika, mag-uumpukan ang mga kalaban, at dudungisan siya ng mga intrigang hindi niya hiniling. Hindi iyon karapat-dapat sa isang lider na nirerespeto ng marami.
At hindi rin iyon karapat-dapat sa ating bayan.
May malinaw tayong Konstitusyon. Kung mawalan man ng tiwala ang bayan sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, malinaw ang susunod na mamumuno. Nasa mga institusyon ang sagot, ang pangulo ng senado, speaker ng kamara at chief justice ng supreme court ang nakalahad sa rule of succession. Doon nagmumula ang katatagan ng Republika. Doon tayo nagkakaisa bilang isang bansa. Dalawang beses nang kinuha ng People Power sa Maynila ang kapangyarihan mula sa Malacañang. Dalawang beses na napalitan ang liderato dahil sa lakas ng iilang nasa EDSA. Oo, makasaysayan ang mga iyon. Pero hindi iyon kabuuan ng tinig ng buong sambayanan. Hindi iyon representasyon ng bawat Pilipino mula Batanes hanggang Tawi-Tawi. Ingay iyon—hindi numero. Pag-aari iyon ng Imperial Manila—hindi ng buong Republika.
At hindi dapat maulit ang pagkakamaling iyon.
Ang Nobyembre 30 ay dapat maging araw hindi ng kaguluhan, kundi ng pagmulat. Dapat maging araw hindi ng paninira ng sistema, kundi ng pag-angkin muli sa dangal ng ating demokrasya. Dapat maging araw ng katapangan—hindi ng pagiging padalos-dalos. Dapat maging araw ng pagkakaisa—hindi ng pag-agaw ng kapangyarihan.
Bilang ama, guro, at lingkod-bayan, ang hangad ko ay isang Pilipinas kung saan ang aking anak ay mamumuhay sa ilalim ng pamahalaang may dangal at prosesong iginagalang. Isang Pilipinas kung saan ang liderato ay pinipili dahil sa tiwala, hindi dahil sa gulo. Isang Pilipinas kung saan hindi kailangang guluhin ang bayan para lamang magpalit ng kapangyarihan.
Kaya ngayong papalapit ang Nobyembre 30, may tanong akong iniiwan sa bawat Pilipino:
Hahayaan ba nating ang galit ang magpabukas ng pintuan sa mga paraang labag sa batas—o ipagtatanggol natin ang prinsipyo na bumubuo sa ating Republika?
Papayag ba tayong ang pinakamalakas na boses sa Maynila ang laging nagtatakda ng kapalaran ng buong bansa—o kikilos tayo para sa tahimik ngunit malawak na tinig ng sambayanang naniniwala sa proseso?
Ipagkakatiwala ba natin ang kinabukasan sa ingay—o itataya natin ang sarili sa Konstitusyong nagpoprotekta sa ating lahat?
Tinatawag tayo muli ng kasaysayan.
At sa pagkakataong ito, piliin sana natin ang landasing hindi dinidikta ng takot at kaguluhan, kundi ng tapang, talino, at pagrespeto sa batas.
_____
