*Dr. Rodolfo John Ortiz Teope, PhD, EdD, DM
Naalala ko ang isang hapon na tila ordinaryo, ngunit naging salamin ng mas malalim na banggaan ng pananaw sa ating lipunan. Katatapos lamang ng isang talakayan nang lapitan ako ng isang batang aktibista. Mainit ang kanyang dugo, malinaw ang kanyang paninindigan, at mabigat ang kanyang tanong. Tinitigan niya ako at halos walang pag-aalinlangang sinabi, “Dok Jhan, bakit kailangan pang ipahiya ang mahihirap? Bakit kailangang hulihin ang isang manggagawang walang damit sa itaas? Hindi ba malinaw na sila’y inaapi?” Sa sandaling iyon, hindi agad ako sumagot. Hindi dahil wala akong maisasagot, kundi dahil alam kong ang katotohanang ibabahagi ko ay hindi madaling tanggapin.
Pinili kong tingnan siya hindi bilang kalaban sa argumento, kundi bilang isang kabataang naghahanap ng hustisya. Ngunit sa aking karanasan, ang hustisya na hinahanap natin ay hindi lamang nakaugat sa awa, kundi sa katotohanan. At ang katotohanang ito ay madalas hindi komportable. Hindi lahat ng disiplina ay pang-aapi. Sa gitna ng ingay laban sa mga polisiya ni Jonvic Remulla, napakadaling gamitin ang salitang laylayan bilang kalasag, isang salitang puno ng emosyon ngunit kadalasan ay kulang sa pananagutan. Oo, may mga tunay na naghihirap. Oo, may mga tunay na nangangailangan ng tulong. Ngunit hindi rin maitatanggi na may mga pagkakataon na ang kahirapan ay ginagawang dahilan upang takasan ang disiplina at responsibilidad.
Paulit-ulit nating naririnig ang parehong hinaing na tila naging awit na ng ating lipunan. Sinasabi na kapag mayaman ang nagnanakaw ay hindi agad nakukulong, ngunit kapag mahirap ay konting paglabag lamang ay agad na nahuhuli. Sa unang tingin, tila may punto. Ngunit kung susuriin nang mas malalim, magkaiba ang direksyon ng usaping ito. Ang paglabag sa ordinansa ng isang karaniwang mamamayan ay kadalasang nakikita agad at madaling patunayan. Ito ay nangyayari sa harap ng mga awtoridad at may agarang ebidensya. Samantalang ang kaso ng katiwalian laban sa mga politiko ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon, matibay na dokumento, at masalimuot na proseso sa batas. Hindi sapat ang hinala o galit upang maipakulong ang isang inaakusahan. Kailangan ng oras, ebidensya, at legal na katibayan.
Ngunit ang mas masakit na bahagi ay hindi nagtatapos sa proseso ng hustisya. Kahit na ang ilang politiko ay nasasangkot sa mga kaso, kapag sila ay naaabswelto o nakalalaya, muli silang tumatakbo at muli silang nananalo. At dito na pumapasok ang tanong na madalas nating iniiwasan. Sino ang bumoboto sa kanila. Sino ang nagbibigay sa kanila ng panibagong kapangyarihan. Hindi lamang ang mayayaman kundi ang nakararami. Ang laylayan na siyang madalas ding nagrereklamo laban sa sistema.
Dito nagiging malinaw ang isang siklong paulit-ulit na sumisira sa ating lipunan. May galit laban sa kurakot ngunit sa araw ng halalan ay napapalitan ito ng sobre, ng ayuda, ng panandaliang ginhawa. Pagkatapos ng eleksyon, babalik ang parehong hinaing na sila ay inaapi dahil mahirap sila. Ngunit paano natin ipapaliwanag ang ganitong kontradiksyon. Kung ang mga lider na inaakusahan ng katiwalian ay muling naluluklok sa kapangyarihan, hindi ba’t may bahagi ang mamamayan sa pagpapatuloy nito.
Kailangan din nating linawin na hindi iisa ang mukha ng mayaman sa usaping ito. May mga politiko na yumaman dahil sa kapangyarihan na ipinagkaloob ng taumbayan at sila ang kadalasang nasasangkot sa katiwalian. Mayroon ding mga oligarchs na nasa pribadong sektor na may impluwensya sa ekonomiya at politika ngunit hindi direktang halal ng bayan. Magkaiba sila ngunit sa ilang pagkakataon ay nagtatagpo ang kanilang interes. Ngunit sa dulo, ang kapangyarihang magluklok ng mga politiko ay nananatili sa kamay ng botante.
Sa puntong ito, hindi na ito usapin ng mayaman laban sa mahirap. Hindi ito class war. Ito ay laban ng pag iisip, laban ng prinsipyo, laban ng integridad. Ilan ba sa atin ang handang tumanggi sa pera kapalit ng boto. Ilan ang handang manindigan para sa tama kahit walang kapalit. Sapagkat sa huli, ang uri ng pamahalaan na mayroon tayo ay repleksyon ng ating mga pinili. Naalala ko ang sinabi ni Winston Churchill, “The best argument against democracy is a five minute conversation with the average voter.” Masakit itong pakinggan ngunit kung ating iisipin, may bahagi itong sumasalamin sa ating realidad.
Kung sinasabi nating Poor is Power, bakit hindi natin ito gamitin upang magluklok ng mga lider na may prinsipyo at integridad. Bakit hindi natin kayang iangat ang isang lider na hindi mayaman ngunit may paninindigan. Ang sagot ay masakit tanggapin. Dahil ang sistemang umiiral ay pinapalakas ng mga desisyong ginagawa natin bilang botante. Ang kandidatong walang pera ay hindi makasabay sa kampanya, hindi kayang bumili ng boto, at hindi kayang makipagsabayan sa sistemang matagal nang umiikot.
Dito nagiging mahalaga ang disiplina. Hindi lamang ito tungkol sa pagsunod sa ordinansa sa kalsada kundi tungkol sa paghubog ng pag iisip at karakter. Kapag ang isang tao ay natutong igalang ang simpleng batas, unti unti niyang nauunawaan ang kahalagahan ng kaayusan. Mula roon ay nabubuo ang integridad at mula sa integridad ay nagbabago ang mga desisyon kahit sa pagboto at pagpili ng lider.
Hindi ito haka haka lamang. Nakita na natin ito sa Marikina City sa panahon ni Bayani Fernando kung saan ang disiplina ay naging pundasyon ng kaayusan at identidad ng lungsod. Marami ang tumutol noon ngunit sa paglipas ng panahon ay napatunayan na ang pagbabago ay posible kung may disiplina at paninindigan.
Binalikan ko ang tanong ng batang aktibista at sa halip na sagutin ito ng galit ay pinili kong magtanong din. Kung patuloy nating gagamitin ang kahirapan bilang kalasag laban sa disiplina, paano natin igagalang ang batas. At kung hindi natin igagalang ang batas, paano tayo pipili ng lider na susunod dito. Hindi siya agad nakasagot at marahil ganoon din tayo bilang lipunan. Tahimik hindi dahil walang sagot kundi dahil ayaw pa nating harapin ang katotohanan.
Panahon na marahil upang magising. Hindi lahat ng mahirap ay inaapi at hindi lahat ng pagdidisiplina ay mali. Minsan ito ay paalala na ang tunay na laban ay hindi laban ng uri kundi laban ng konsensya.
At ang tunay na pagbabago ay hindi nagsisimula sa gobyerno kundi sa bawat isa sa atin.
_________________
*About the author:
